May kasabihan tayo na “Water is life.” Pero para sa akin, ang tubig ay hindi lang buhay ito ang aking wingman.
​Nasa tapat ako ng lababo ngayon, hawak ang wrench na ninakaw ko sa toolbox ni Papa. Pinagpapawisan ako, hindi dahil sa pagod, kundi dahil sa kaba. Isang piga pa sa turnilyo… isang piga pa…
​CRACK.
​”Ayos!” bulong ko. Umawit ang gripo. Ang kaninang patak-patak lang, ngayon ay naging waterfalls na. Success.
​Dali-dali akong tumakbo sa salamin. Ginulo ko nang konti ang buhok ko para magmukhang “damsel in distress” pero kailangang “fresh” pa rin. Naglagay ako ng konting lip tint yung shade na natural-lang-akong-nababaha-ngayon at huminga nang malalim bago lumabas ng gate.
​Doon sa kabila ng bakod, nakita ko na siya. Si Mark. Ang tanging tubero sa mundo na mukhang model ng mamahaling pabango kahit puno ng kalawang ang kamay. Nakasuot siya ng sando na puti na kapit na kapit sa abs niya, Lord patawad habang naglilinis ng motor niya.
​”Kuya Mark!” sigaw ko, voice quality: level 5 pabebe. “Tulog po ba si Tito? Ayaw po kasi tumigil nung gripo namin sa lababo, baka bahain na kami!”
​Lumingon siya. Ngumiti siya. Shocks, yung dimple! “Sira na naman, Tin? Pangatlong beses na yata ‘yan ngayong buwan ah?”
​”Kaya nga po eh! Baka po kasi… uhm… faulty ‘yung plumbing nung buong subdivision?” palusot ko.
​Pumasok siya sa bahay namin dala ang toolbox niya. Habang naglalakad siya, feeling ko may slow-motion background music at wind effect. Pagdating sa lababo, lumuhod siya para tingnan ang ilalim.
​Diyos ko, ‘yung view.
​”Tin, may wrench ka ba?” tanong niya habang nakatingala.
​”Wrench? Ah, wala eh! Wala kaming gamit na ganun,” sagot ko habang dahan-dahang tinatago ang wrench sa likod ng sofa gamit ang paa ko.
​”Ganu’n ba? Sige, kukunin ko lang ‘yung akin sa labas,” sabi niya sabay tayo. Sa sobrang lapit niya, amoy Safeguard siya na may halong WD-40. Ang bango. Gusto ko siyang gawing air freshener sa kwarto ko.
​Habang inaayos niya ‘yung gripo, kunwari ay nag-aalok ako ng tubig. “Kuya Mark, tubig oh. Para hindi ka mauhaw.”
​”Salamat,” sabi niya sabay inom. Tumulo nang konti ‘yung tubig sa leeg niya.
​”Tin,” seryoso niyang tawag.
​”Po?” Sagot ko, handa na akong mag-I-do.
​”Alam mo, itong gripo niyo… parang hindi naman nasisira nang kusa.” Tumingin siya sa akin nang diretso. May halong ngiti sa mga mata niya. “Parang may pumupuwersa rito sa ilalim gamit ang… ewan ko, pliers? O baka wrench?”
​Nanigas ako. “H-ha? Grabe, baka may multo rito na marunong mag-plumbing?”
​Tumawa siya nang malakas. ‘Yung tawang nakaka-melt ng puso. “Sabi ko naman sa’yo nung huli eh. Kung gusto mo lang akong makita, hindi mo kailangang sirain ‘yung gripo niyo. Sayang ‘yung bill niyo sa tubig.”
​Naramdaman ko ang pag-akyat ng lahat ng dugo ko sa mukha ko. “A-ano… hindi naman sa ganun…”
​Inayos na niya ang gamit niya at tumayo. “O paano, ayos na ‘to. Pero sa susunod, imbes na gripo ang sirain mo, i-text mo na lang ako. Sabihin mo, ‘Mark, kape tayo.’ Mas madali ‘yun, hindi ka pa mababasa.”
​Kindat. Umalis siya na parang wala lang, habang ako ay naiwan sa tapat ng lababo na parang tanga.
​Tiningnan ko ‘yung gripo. Maayos na siya. Pero parang gusto ko ulit sipain.