Nakatingin lang ako sa itim na trash bag na nilapag ni Tita Celia sa harap namin. Amoy amag na hinaluan ng mothballs.

Sabi niya, galing daw sa mga anak niya sina Kyle at Justin. Mga pinsan kong lumaki sa aircon, habang kami, lumaki sa diskarte.

​”O, dinalhan ko kayo ng mga damit,” sabi ni Tita habang nakapamaywang. Ang boses niya, laging parang nakikipag-away kahit bumabati lang.

“Sayang naman kung itatambak lang sa bahay. Isuot niyo ‘to sa school o kahit saan, para naman magmukha kayong tao.”

​Binuksan ko ang plastic. Ang unang kinuha ko? Isang kupas na t-shirt na may tatak ng sikat na brand, pero ang laylayan, punit-punit na at may mga mantsa ng grasa.

​Nanigas ako. Tandang-tanda ko ‘to. Nitong nakaraang buwan lang, nung birthday ni Kyle, nakita ko ‘tong gamit ng katulong nila habang nagpupunas ng tumapon na softdrinks sa sahig. Gamit na gamit.

​”Tita,” mahinahon pero madiin kong sabi. “Diba ginawa niyo nang basahan ang mga ‘to sa bahay niyo?”

​Tumahimik ang paligid. Ang nanay ko, sinesenyasan akong tumigil, pero hindi ko maalis ang tingin ko sa basahang hawak ko.

​Biglang tumawa si Tita, pero walang saya sa mga mata niya.

“Mag-iinarte ka pa ba? Eh, mukha rin naman kayong mga basahan. Bagay lang sa inyo ‘to. At least may masusuot kayo. Napaka-ungrateful mong bata ka!”

​Parang may sumabog sa dibdib ko. Hindi dahil sa galit, kundi dahil sa hapdi. Tiningnan ko si Nanay nakayuko lang siya, sanay na sa ganitong trato dahil “pamilya” raw.

​Dahan-dahan kong binitawan ang damit sa loob ng plastic. Tumayo ako nang diretso at tinitigan si Tita sa mga mata niya.

​”Tita, salamat po sa pag-aalala sa isusuot namin,” panimula ko.

“Pero kahit mahirap kami, tinuruan kami ni Nanay na maging malinis. Ang basahan, kahit anong laba mo, basahan na ‘yan. At kahit anong suot namin, hindi kami magiging tulad ng basahang ‘to na tapunan lang ng dumi niyo.”

​”Anong sabi mo?!” bulyaw niya.

​”Ang sabi ko po, itabi niyo na lang ‘to. Baka mas kailangan niyo ‘to sa bahay niyo pampunas ng mga mantsa na hindi niyo kayang linisin sa ugali niyo.”

​Kinuha ko ang kamay ni Nanay at pumasok na kami sa loob ng kwarto ng bahay. Rinig na rinig ko ang pagdadabog at pagmumura ni Tita sa labas habang bitbit ang plastic niya.

​Masakit? Oo. Pero nung gabi na ‘yun, kahit luma at may tahi ang suot kong sando, mas naramdaman kong tao ako kaysa nung hawak ko ang mamahaling basahan ni Tita.

Natutunan ko ​Minsan, ang pagpapakumbaba ay hindi nangangahulugang kailangang maging tapakan.

May pagkakaiba ang pagiging grateful sa pagiging biktima ng pang-aalipusta.