Sanay akong mag-ayos ng mga patay pero ang kasinungalingan ng girlfriend ko hindi ko kayang ayusin.

Hi Ambenture.

Pwede niyo nalang akong tawagin sa pangalang Dado. Isa akong embalsamador dito sa Isabela.

Maraming magsasabi sainyo na “Ay Embalsamador” alam kong hindi maipagmamalaki ang trabaho ko pero marangal siya at doon ako kumikita ng pangkain at pantulong sa pamilya.

Sa trabaho ko araw-araw akong nakaharap sa mga taong wala nang buhay. Kaya siguro natuto akong pahalagahan ang mga taong buhay pa.

At hindi ko inakala na yung taong pinakamamahalin ko… siya pa yung magsisinungaling sa akin.

Nagsimula ang lahat noong nakilala ko ang girlfriend kong taga Isabela din. Tawagin nalang natin siyang Ysang.

Sa una pa lang malinaw ko ng tinanong sa kanya. Kung single ba siya, wala ba siyang anak o baka mamaya may asawa na siya.

Sumagot siya agad.
“Oo. Single ako. Wala akong asawa at wala rin akong anak.”

Kaya naging kampante ako. Hindi ko naman kasi balak sirain ang buhay ng ibang pamilya. Ayokong makasagasa ng may asawa o may anak na.

Tumagal ang relasyon namin ng isang taon.
Sa loob ng isang taon na iyon, halos ibinuhos ko na lahat ng kaya kong ibigay na pagmamahal sa kanya. Hindi man ako mayaman, pero marunong akong mag-ipon.
Iniisip ko kasi noon na gusto kong bigyan siya ng magandang buhay.
Inipon ko lahat ng sahod ko, pati narin yung 13th month pay ko nun at mga bonus.

Imbis na bumili ako ng bagong cellphone o motor, may isa lang akong naisip.

Singsing, dahil gust0 k0 ng magpropose sa kanya.

Pumunta pa ako sa isang gold shop na nirecommend ng boss ko. Halos dalawang oras akong tumitingin ng perfect na ring para sa girlfriend ko.
Hanggang sa may nakita akong engagement ring na simple pero maganda.

Presyo: 25,000.

Masakit sa bulsa para sa isang embalsamador na katulad ko. Pero sabi ko sa sarili ko,

“Dado, minsan ka lang magpropose sa buhay mo, deserve ni Ysang ang ganitong singsing.”

Nagdalawang isip pa ako kung bibilhin ko ba yun o hindi. No choice na ako dahil mahal ko siya.
Binili ko yung singsing.

Pagkatapos noon, nagplano pa ako ng dinner date para sa kanya.
Sa simpleng restaurant lang, wala na din kasi akong budget.
Sinundo ko pa siya sa may highway ng motor at sabay kaming pumunta sa restaurant.

Noong gabing iyon, kinakabahan ako. Para akong mag-eembalsamo ng bangkay na may limang kamag-anak na nakatingin.

Nakarating kami sa restaurant bandang 7PM.
Habang kumakain kami, halos hindi ako makapagsalita.

Napansin niya rin yun.
“Bakit parang ang tahimik mo?” tanong niya.

Ngumiti ako.
“Mamaya ko sasabihin.”

Ang plano ko sana ilagay sa pagkain niya yung singsing tulad ng napapanood ko sa Tiktok pero wag na dahil baka malunok niya pa at magkaproblema ako.

Pagkatapos naming kumain, inilabas ko ang maliit na kahon mula sa bulsa ko.

Lumuhod ako sa harap niya.
Oo, lumuhod talaga ako kahit madaming tao.

“Ysang… mahal kita. Gusto kong makasama ka habang buhay. Papakasalan mo ba ako?”

Saglit siyang natulala.
Pagkatapos ay ngumiti siya.
“Yes.”

Parang tumigil ang mundo ko sa sobrang saya.
Isinuot ko ang singsing sa daliri niya.
Pero pagkatapos niyang magsabi ng yes, bigla siyang naging seryoso.

“Dado… may aaminin ako sa’yo.”

“Sana wag kang magugulat. Sana matanggap mo pa rin ako.”

Sabi ko agad,
“Kahit ano pa yan, tatanggapin kita.”

Akala ko kasi maliit na bagay lang.
Siguro may utang. Siguro may ex na makulit.
Pero hindi pala.

Huminga siya ng malalim.
“Ang totoo niyan may… dalawa na akong anak.”

Hindi ko pa narinig nung una kaya pinaulit ko yung sinabi niya.
Parang may bumagsak na sako ng semento sa dibdib ko.

Hindi ako agad nakapagsalita.
Dalawang anak.

Ang masakit ay sinabi niyang single siya at walang anak nung una.
Tiningnan ko pa siya.

Hindi ko na alam ang mararamdaman ko noon.
Para akong embalsamador na biglang nalaman na yung inaayos niyang bangkay… buhay pa pala.

Nagpaalam muna ako sa kanya.
“Uwi muna ako. Kailangan ko munang mag-isip.”

Iniwan ko siya sa restaurant.
Hindi ko pa binawi ang singsing. Gulong-gulo pa kasi ang utak ko noon.

Dalawang araw akong halos walang tulog.
Habang nag-eembalsamo ako sa trabaho, iniisip ko ang lahat.

Pagkatapos ng dalawang araw, nagdesisyon ako.
Hindi ko kayang ituloy ang relasyon namin.
Dahil nagsinungaling siya mula sa simula.

Kaya tinawagan ko siya.
“Ysang, ayoko nang ituloy ito. Pwede bang ibalik mo nalang yung engagement ring?”

Sumagot siya.
“Bakit ko ibabalik? Sinagot naman kita. Nag I Do naman ako sayo.”

Na para bang kinasal na kami sa simbahan.
“Ayoko na.” Sabi ko.

“Eh nagsabi na ako ng yes.”

Sinabi ko sa kanya na kung ayaw niyang ibalik, irereport ko siya sa police.
Hindi lang yung singsing.
Pati yung kwintas na regalo ko noong 5th monthsary namin na worth 8,000.
Buti nalang lahat ng resibo nakapangalan sa akin.

Akala niya nagbibiro lang ako.
Sinabi pa niya sa chat,
“Sigurado kang kaya mo akong i-pa-police? Embalsamador ka lang.”

Hindi ako sumagot sa kanya.
Kinabukasan pumunta ako sa police station malapit sa kanila.

Nag-file ako ng complaint.

Hindi ko inaasahan na aabot sa ganon pero ginawa ko. Binisita siya ng mga officers sa bahay nila, doon siya napilitang makipagkita sa akin.

Nagkita kami sa labas ng barangay hall.
Paglapit niya sa akin, galit na galit siya.
Hindi na siya nagsalita.

Bigla niyang ibinato sa akin ang engagement ring.

Tumama pa sa dibdib ko.
“Eto! Kunin mo!”

Yung kwintas ayaw pa sana niyang ibigay.
Pero dahil nandun ang pulis, napilitan din siya.
Tahimik lang akong umalis.
Hindi namin binlock ang isa’t isa sa Facebook.
Kaya nakikita ko pa rin minsan ang posts niya.

Tinatawag niya akong gago, manloloko, walang puso.
Hindi ko na pinapansin yun.
Busy na ako sa trabaho ko.

Araw-araw akong nakaharap sa mga taong hindi na kayang magsinungaling.

Mas pinili ko nang bumalik sa funeral home kaysa bumalik sa kanya. Doon, kahit patay ang kaharap ko, wala nang kasinungalingan.. Si Ysang, buhay nga pero matagal nang patay ang integridad. At ako, embalsamador lang… pero marunong akong maglibing ng maling relasyon.