SINABIHAN KO ANG KAPATID KONG BABAE NA HINDI KASI SIYA INAALAGAAN NG ASAWA NIYA KAYA WAG NIYANG PAGSALITAAN NG HINDI MAGANDA ANG ASAWA KO…..

Hi Ambenture. Tawagin niyo nalang akong Nelson, 37, BFP. Isang lalaking sanay sa sunog at sa aksidente.

Pero mas kabisado ko kung paano alagaan ang asawa ko kaysa kung paano magpatay ng apoy.😅

May asawa ako ang pangalan niya ay Mirah, 32. May heart condition siya. Hindi ito yung simpleng “hingalin lang.” May episodes siya na biglang bumabagsak ang energy, may palpitations, may days na kailangan lang talaga niyang magpahinga.
Hindi advisable sa kanya ang stressful job. Dati siyang call center agent. Graveyard shift, toxic accounts, walang tulog. Ilang beses kaming nag-ER dahil sa chest pains niya.

Kaya noong napromote ako at tumaas na ang sahod ko sa BFP at may mga sidelines pa akong small construction supply sa barangay namin, ako na mismo nagsabi sa kanya:

“Love, pahinga ka na. Ako muna, magrelax ka para makabuo na tayo ng baby..”

Pumayag naman siyang magresign.
Simula noon, mas gumaan ang buhay namin. Hindi naman siya tambay. Nag-enroll siya sa baking classes sa Pasig. Ngayon may maliit din kaming balcony farm sa bahay namin lettuce, kamatis, herbs. Kapag okay ang pakiramdam niya, siya pa nga ang mas maaga gumising kaysa sakin.

Nagluluto ng baon ko, maayos ang bahay, may ulam na.

Pero kapag may flare-up, kapag mabilis tibok ng puso niya at nahihilo siya, ako ang gumagawa ng lahat. Laba. Hugas. Luto. May helper kami once a week para sa general cleaning. The rest? Basic nalang.

At oo, mahilig akong i-spoil ang asawa ko. Halos every week flowers galing Dangwa pag may duty akong malapit sa Maynila. Random Shopee packages na hindi niya alam. Staycation sa Tagaytay kapag may 3-day off ako. Gusto ko lang maramdaman niya na kahit mag-asawa na kami special parin siya sakin araw araw.

Masaya ako kapag nakikita kong hindi siya nahihirapan.

Ngayon ang problema ko, may ate ako. Si Connie. Siya ang nag-iisang babaeng kapatid ko kaya alam ko na agad kung saan papanig sina Mama kapag may issue.

May dalawang anak si Ate Connie. Asawa niya seaman. Malaki kita, oo. Pero kuripot. Hindi siya binibigyan ng sariling allowance. Kailangan pa raw magpaalam kapag may bibilhin. Siya pa ang nagbabantay ng maliit nilang pwesto sa palengke habang nag-aalaga ng mga bata.

Lagi ko siyang naririnig mag-rant.

“Hindi ako binibigyan ng pera basta-basta.”

“Kailangan ko pa mag-request.”

“Hindi naman sa akin lahat ng sweldo niya.”

Pero pag nakita niya ang asawa ko, tuwing may mababanggit ako tungkol kay Mirah na nasa baking class, na may bagong pinagkakaabalahan, sinasabi niya.

“Swerte ng asawa mo ah, hindi na kailangan magbanat ng buto.”

“Pagtrabahuin mo yang asawa mo para hindi tatamad tamad, pasyal pasyal lang ginagawa niya e. Mawawalan lang kayo ng ipon pag ganyan. Nagpapaganda pa lagi may bagong makeup at lipstick, ang may asawa hindi na kumekerengkeng.”

Na parang siya ang gumagastos sa asawa ko.

Kaya nung Sunday lunch sa bahay ng parents namin sa Antipolo. Nabanggit ko lang na pag-uwi ko magluluto muna ako ng dinner dahil medyo masama pakiramdam ni Mirah at may lagnat pa.

Biglang sumabat si Ate Connie.

“Kaya spoiled eh. Ikaw pa rin kawawa sa huli. Iwan mo na ang ganyang klaseng babae nahihirapan ka lang. Nag-asawa kaba para mag-alaga?”

Hindi ko alam kung bakit ang sama ng pananalita niya sa asawa ko.
Huminga ako ng malalim.
Sinagot ko siya.

“Hindi spoiled ang asawa ko ha. Mahal ko lang siya.”

Natawa siya ng sarcastic.
“Eh di wow. Sana all.”

Doon na ako tumingin sa kanya nang maayos.
“Hindi spoiled ang asawa ko, naiintindihan mo ba? Inggit ka lang ata kasi hindi ka tinatrato nang asawa mo ng ganito.”

Biglang nag-iba ang mood ng buong sala. Napatingin pa ang Mama ko sakin at sinigaw yung pangalan ko.
Nagalit sila sakin. Sinabihan akong bastos.

Sabi ni Mama na dapat daw hindi ko pinapahiya ang kapatid kong babae. Pinauwi nila ako, hindi sumama ang asawa ko dahil nilalagnat siya.
Alam ko naman na kakampihan nila si Ate Connie. Siya lang nag-iisang babae.

Siya yung “kawawa” kasi seaman ang asawa at laging mag-isa sa bahay.

Pero hindi ko kayang tumahimik kapag may nagsasabi ng masama sa asawa ko.
Pinili kong alagaan at ipagtanggol ang asawa ko dahil kaya ko.

At kung may nasasaktan sa standard ko bilang asawa, hindi ko na problema ’yon.

Love, kung mababasa mo to. Mahal na mahal kita alam mo yan.