NATAKOT AKO DAHIL IBANG DAAN ANG DINAANAN NG TRICYCLE DRIVER NUNG PAUWI AKO….

Hi Ambenture.
Please call me Nimfa.

First year college ako noon dito sa Bulacan nang mangyari ito. Until now, buhay na buhay pa rin sa utak ko yung gabing akala ko may mangyayaring masama sa’kin.

After ng last class ko nun, around 8:30 PM na. May group activity pa kasi at reporting kaya inabot kami ng gabi. Paglabas ko ng campus, halos wala nang tao. Iniisip ko din yung kaligtasan ko dahil babae din ako. Very unsettling yung vibe.

Pagod na pagod ako that time. Hindi pa ako nakakakain nang maayos kasi tinitipid ko yung baon ko. Sakto lang lagi pera ko pamasahe papunta at pauwi. No extra. Walang allowance for mistakes.

Sumakay ako ng jeep papuntang bayan. Pagbaba ko sa terminal ng tricycle, doon nagsimula yung kaba ko.

Konti na lang ang tao. Yung ibang driver nakatambay na lang, yung iba mukhang uuwi na. Madilim ang paligid. Yung streetlight parang pagod na rin kumikislap-kislap pa.

May isang tricycle na nagsabing papasok sa barangay namin kaya sumakay ako. Ako lang mag-isa sa likod.
Habang umaandar, saka ko lang napansin.

Wala akong barya.
May 50 pesos ako pero buo.

Pamasahe 25 lang. Normally may sukli naman sila, pero minsan kasi ginagawa nilang 40pesos pag buo ang binabayad.

Habang bumibiyahe kami, napansin kong parang hindi ako familiar sa dinadaanan ng driver.

“Kuya, dito po ba talaga ang daan?” tanong ko.

“Shortcut,” sagot niya, diretso lang tingin sa daan.

Alam niyo yung feeling na biglang nagiging hyper-aware ka sa paligid? Yung bawat liko, bawat anino, napapansin mo?

Yung mga bahay, paunti-unti nang nawawala. Mas madilim. Mas tahimik na.
My mind started overthinking.

What if mali yung nasakyan ko?
What if hindi pala ito papunta sa amin?
What if may masamang balak?
Hinawakan ko nang mahigpit yung bag ko at kinuha yung pepper spray. May dala kasi akong pepper spray lagi if ever lumiko siya sa totally unfamiliar na lugar, handa na akong lumaban.

Tinext ko ang kapatid ko:
“Nasaan ka?”

Walang reply.
Ilang minuto pa, huminto yung tricycle.Hindi pa yun yung bahay namin kaya kinabahan na ako.

“Kuya… dito po ba talaga?” mahina kong tanong.

Lumingon siya sa’kin. Medyo seryoso yung mukha niya. Mas lalo akong kinabahan.

Tapos sabi niya,
“Hindi ka taga-rito no?”

“Opo.”

“Saan ka ba talaga bababa?”

Sinabi ko address namin.
Bigla siyang napailing.
“Lagpas pa pala ‘to. Hindi kita ibababa dito. Madilim na at Delikado.”

Doon ko lang narealize na mali ata yung pagkaintindi niya kung saan ako bababa.

Grabe. Yung imagination ko, pang-MMK na. Akala ko magiging alaala nalang ako.

Hinatid niya ako sa bahay.
Pagdating sa tapat ng bahay namin, doon na ako nahiya.

“Kuya, wala po akong barya. 50pesos lang po meron ako..”

Tiningnan niya yung bahay namin. Tumingin ulit sa’kin.
Then he said something I will never forget.

“Ok na ‘yon. Ang bayad mo na lang sa akin ay makagraduate ka ng pag-aaral mo. Balang araw alam kong malaki ang maiaambag mo sa lipunan natin.”

Parang nag-pause yung mundo ko na nakasmile. Nawala yung pagod ko.

“Kuya, hindi po, babayaran ko po.”

Umiling siya.

“College ka na diba? Unahin mo ‘yan. Mas mahalaga ‘yan kaysa bente singko.”

Gusto ko maiyak pero nahiya ako. Kanina kung anu-ano na iniisip ko tungkol sa kanya. Tapos siya pa pala yung nag-aalala na baka delikado akong ibaba sa madilim na part.

Hindi ko man lang natanong pangalan niya. Hindi ko alam kung saan siya madalas pumila. Hindi ko na rin siya nakita ulit.

Ngayon, malapit na akong grumaduate at nageexpect din ako na isa ako sa Cum Laude sa batch namin.
Hindi ko alam kung naaalala pa ni kuya tricycle driver yung first year college na praning at walang barya isang gabi sa Bulacan.

Pero kuya, kung nasaan ka man…
Bayad na po ako. Ga-graduate na po ako this year.

At minsan talaga, hindi ang dilim ang nakakatakot kundi yung takot mong magtiwala sa kabutihan ng tao.

Kuya, hindi ko man alam ang pangalan mo, pero bahagi ka ng journey ko. Yung bente singko na pinatawad mo, naging motivation ko hanggang makarating ako dito.
Sana proud ka. Sana mas marami pang kabutihan ang bumalik sa’yo.