Ito ang kwento ng isang asawang lalaki na 15 years nag-abroad, walang bakasyon para lamang sa pangarap nilang bahay. Pero pag-uwi sa Pinas, hindi niya akalaing mas mabigat pa sa trabaho ang madadatnan sa bahay na pinagawa niya at maraming mga sikreto na ngayon lang din niya matutuklasan.
Ating tunghayan ang kanyang kwento na magbibigay ng aral inspirasyon sa ating lahat. Sa araw ng pag-alis ni Marlon, hindi niya ramdam ang bigat ng bag na hawak niya. Ang bigat na nararamdaman niya ay nasa loob. Isang uri ng kabaan na hindi niya alam kung paano dadalhin. Tahimik ang umaga.
Tanging mahinang iyak ng anak ang narinig niya habang hinihigpitan ng asawang si Elena ang pagkarga. Hindi siya lumingon agad. Hindi dahil madali para sa kanya ang iwan sila kundi dahil alam niyang kapag bumaling siya ng tingin sa mga ito baka hindi na niya kayaning umalis pa. Tumayo siya sa gilid ng kalsada.
Hawak ang medyo lukot na ticket. Hinihintay ang bus na maghahatid sa kanya sa airport. Sa isip niya, paulit-ulit ang iisang dahilan. Kailangan niyang umalis para makapagpatayo ng sariling bahay na malaki. Magkaroon ng konting ipon at magkaroon ng maliit na negosyo. Sa labis na pag-isip, hindi niya alam kung paano siya nakasakay ng bus.
Basta’t naramdaman na lamang niyang unti-unti siyang lumalayo sa lugar na kinalakihan niya. Ang anak niyang dalawang taong gulang ay nakatanaw sa kanya habang paliit ng paliit sa kanyang paningin. At doon nagsimula ang unang hakbang ng 15 taon niyang pakikipagsapalaran. Pagdating niya sa bagong bansa, sinalubong siya ng hangin na mas mainit kaysa sa inaasahan.
Ang liwanag ng lungsod ay tila masyadong malakas. Ang bawat tunog ay parang nag-uunahang ingay na nagpapabilis ng pintig sa dibdib niya. Sa dorm na tinuluyan, hindi siya makatulog. Masyadong masikip ang kwarto, masyadong malamig ang katahimikan ng lugar na halos walang pamilyar na mukha. Kinabukasan, doon nagsimula ang trabaho niya.
Mahaba ang sahig na nililinis niya araw-araw. At ang malawak na malalaking pasilyo ay laging dumudurog sa katawan niyang naninibago. Sa pagtatapos ng bawat araw, inaabot siya ng panginginig sa kamay dahil sa paulit-ulit na paglalampaso ng sahig na para bang walang katapusan. Ngunit sa bawat pagod ng katawan, iniisip niya ang maliit na kwarto sa bahay na gusto niyang ipagawa para sa anak.
Doon siya kumukuha ng lakas. Sa unang taon, nasanay na siya sa mga paulit-ulit na gawain pero hindi niya inaasahang darating agad ang unang mabigat na pagsubok sa kanila. Sa ikalawang taon niya, nagkasakit ang anak nila at kinailangan itong maospital. Hindi masyadong maliwanag ang detalye ng kanyang asawa.
Isang maikling mensahe lamang ang dumating. Kailangan nila ng pera para sa bills sa hospital. Hindi niya tinanong kung bakit. Hindi niya sinisi si Elena sa nangyari sa anak. Alam niyang sa ganitong sitwasyon hindi na mahalaga ang maraming tanong. Kaya ipinadala niya ang malaking bahagi ng ipon.
At dahil doon, bumagal ang pagpapatayo ng bahay nila. Ang bubong na dapat ay nalagay na noon pang nakaraang taon ay na-delay. Ang pader ay may mga bahaging hindi pa natatapos. Ang kisame ay may mga bakas pa ng lumang kahoy na hindi pa napapalitan. Ngunit hindi siya nagreklamo. Ang mahalaga sa kanya ay gumaling ang anak. Sa ikatlong taon, nakatanggap siya ng larawan ng anak na nakangiti at masigla ang pangangatawan.
Dahil dito kumalma ang dibdib niya. Kahit hindi niya ito nakikita ng personal, sapat na ang larawan para mapawi ang bigat na nakadikit sa loob niya. Gumawa siya ng pangako sa sarili. Kahit gaano kahirap ang gawain sa maghapong trabaho ay titiisin niya para sa bahay na matagal na nilang inaasam-asam.
Habang lumilipas ang mga taon, tumatanda ang katawan ni Marlon sa sobrang hapo. Sa ikaanim na taon niya, lumipat siya sa trabahong mas mataas ang sweldo pero mas delikado. Naroon siya sa ika-14 na palapag ng isang building. Naglilinis ng sahig habang pasado 9 ng gabi. Walang mga tao sa palapag at tanging mahinang ingay ng bentilasyon ang maririnig.
Basa ang sahig, malamlam ang ilaw at nangangalay na ang mga tuhod niya. Habang pinupunasan niya ang gilid ng sahig malapit sa bukas na bahagi ng palapag na may temporaryong bakal na harang, hindi niya napansin ang basang bahagi sa mismong ilalim ng paanan niya. Sa isang hakbang ay dumulas ang sapatos niya at biglang nawalan ng kapit.
Ang isang paa niya ay lumagpas sa harang. Ang katawan niya ay halos sumubsob na pababa. Nakita niya ang mismong lalim sa ibaba nito. Ang madilim na espasyo na kayang kumain ng buhay sa isang segundo lamang. Napakapit na lang siya sa malamig na bakal gamit ang nanginginig na mga daliri.
Hindi niya lubos maisip na kahit anong ingat sa trabaho kapag nakatadhana na ang disgrasya ay talagang madidisgrasya ka. Nang makaupo siya sa sahig, umagos ang pawis sa leeg niya kahit malamig ang hangin. Hindi siya nakapagsalita. Parang natanggalan siya ng boses sa pangyayaring yon. Sa loob-loob niya kung bumigay ang kapit na yon marahil wala ng ama na uuwi sa kanyang anak.
Hindi niya alam kung paano siya nakalakad pauwi ng dorm pero nagawa niya. At sa gabing iyon, nakatulog siyang yakap ang bag na parang iyon ang tanging katibayan na buhay pa siya. Sa ikawalong taon, unti-unti nang naninigas ang balikat niya. Pero normal na yon para sa kanya gaya ng mga nakaraang taon. Isang araw inilagay siya sa storage area ng mall para ayusin ang mga lumang kahon at ilipat sa bagong rack.
Malamlam ang ilaw, makitid ang daan at amoy alikabok ang buong lugar. Hindi niya napansin na lumuwag ang rack sa itaas. Hindi rin niya alam na may kahon doon na sobrang bigat dahil puno ng mga lumang gamit. Habang inaayos niya ang kahon sa sahig, may narinig siyang mahina pero malalim na tunog na parang kumikiskis.
Bago siya makalingon ay biglang bumagsak na ang malaking kahon mula sa itaas. Hindi siya nakaalis sa kinatatayuan niya dahil sa pagkabigla kaya tinamaan siya sa balikat at tumama ang likod niya sa semento. Hindi siya makagalaw ng ilang segundo. Hindi niya marinig ang buong paligid pati ang kanyang paningin ay nanlabo rin.
Naramdaman niya na lang ang hapdi at kirot ng malaking pasa sa balikat. Pinilit niyang huminga at pinilit niyang ipinuwesto ang sarili upang makaupo. Nang magawa, napadikit ang likod niya sa dingding, nanginginig ang tuhod at nababalot ng alikabok ang kanyang mukha. Walang boses ang lumabas sa bibig niya. Pinigil niyang hindi umiyak hindi dahil ayaw niya kundi dahil wala na siyang lakas.
Pagkauwi uli sa dorm, halos maiyak siya pag-upo niya sa kama. Inisip niya, pwede pala siyang mawala ng ganoon kabilis. Kaya ganun na lang ang pasasalamat niya sa Diyos na hanggang ngayon ay buhay pa rin siya. Pagdating ng ikalabing-isang taon, hindi na kasing bilis kumilos ang katawan niya.
Minsan ay nahihirapan na siyang umupo nang hindi sumasakit ang balakang. Pero ang isip niya ay patuloy pa rin na sumusulong sa pangarap. Gusto niyang tapusin ang bahay. Gusto niyang tapusin ang panatang sinimulan niya ng araw na iyon sa kanyang asawa. Pero sa mga panahong ito, bihira na siyang makatanggap ng mga larawan mula sa Pilipinas.
Hindi ito naghasik duda sa kanya. Sa halip ay inisip niyang abala na ang anak nila sa pag-aaral at ang asawang si Elena ay pagod lamang sa araw-araw. Sa ikalabindalawang taon, gabi-gabi siyang napapatingin sa kisame dahil nararamdaman na niyang para siyang dayuhan sa sarili niyang katawan. Hindi niya alam kung gaano pa katibay ang tuhod niya.
Hindi niya alam kung ilang taon pa ang kaya niya pero alam niyang kailangan niyang tapusin ang sinimulan kahit paunti-unti na lang. O hindi na nagpaparamdam sa kanya ang kanyang pamilya. Sa ikalabintatlong taon nakatanggap siya ng litrato ng bahay. Hindi pa rin ito tapos at halos nasa kalahati pa lang. Kesyo daw nagkasakit ang kanyang asawa ng malala at nagamit daw ang pera para sa mga bills sa hospital.
Sa mga sinabi ng asawa ay nagkunwaring naniwala siya at sinabi niyang mag-extend pa siya ng anim na taon para mabuo lang ang bahay. Pero sa kanyang loob ay tatapusin niya lang ang labing-apat na taon at surpresa siyang uuwi ng Pinas. Nang sumapit ang ikalabing-apat na taon sa wakas ay nakapag-ipon na rin siya para sa maliit na itatayong negosyo.
Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at inayos na agad lahat ng gamit niya. Wala na siyang paki kung gaano na katapos ang bahay nila. Ang mahalaga sa kanya ay makauwi na agad. Hindi dahil may hinala siya. Hindi dahil may bigat siyang nararamdaman sa dibdib kundi gusto niyang alamin ang totoong kalagayan ng kanyang pamilya at sabik siyang muling makita ang mga ito.
Ngunit ang pananabik niya sa kanyang pag-uwi ay isa palang dagok sa katotohanang hindi niya inaakalang umiiral. Nang umuwi si Marlon sa Pilipinas, hindi niya inakalang ganoon kabigat ang magiging pakiramdam niya paglapag pa lamang ng eroplano. Hindi ito ang saya na iniisip niya noong mga gabing mag-isa siyang nakaupo sa dorm sa ibang bansa.
Ang naramdaman niya ay parang pinaghalong kaba, pananabik at takot na baka hindi na niya kilala ang mundong babalikan niya. Habang nasa bus pauwi sa probinsya, pinagmasdan niya ang kalsadang matagal ng hindi niya nadaan. Maraming nagbago, may mga bagong tindahan, bagong ruta ng mga tricycle at mas maraming mga mukha ang hindi na niya kilala.
Sa kabila ng mga pagbabagong iyon, hindi nawala ang pananabik niya sa muling pagkikita nila ng anak at asawa. Iniisip pa rin niya kung gaano kalaki na ang anak niya ngayon, kung paano na ito magsalita at kung anong itsura na ng bahay na pinatayo niya kahit hindi pa ito gaanong tapos. Nang malapit na ang bus sa kanilang bayan, naramdaman niyang bumibilis ang tibok ng puso niya.
Hindi niya alam kung dahil ba sa kaba o sa matagal niyang pagnanais na makita ang bunga ng lahat ng sakripisyo niya. Pagbaba niya ng bus, sinalubong siya ng mainit na hangin at ng mga taong abala sa kani-kanilang gawain. May mga tumitingin sa kanya. May mga tila kinikilala siya ngunit wala siyang pinansin dahil ang buong isip niya ay nakatuon lamang sa pag-uwi.
Nang makita niya mula sa malayo ang bahay na pinundar niya, napahinto siya at nagulat. Hindi niya inaasahan na tapos na pala ito. Mas malaki kaysa sa huling larawan na natanggap niya at mas maaliwalas sa mata ang pintura. Sa unang tingin may bahagyang ginhawa siyang naramdaman.
Dahil sa wakas narito na ang tahanang inipon niya ng buong buhay sa ibang bansa. Ngunit kasabay nito ay may kakaibang lamig na gumapang sa dibdib niya. Bakit nagsinungaling ang asawa niyang si Elena? Ano ang itinatago nito sa kanya? Habang maraming katanungan ang sumasagi sa isip niya, napansin niyang may nakakalat na mga laruan sa harap ng bahay at may tatlong bike na pambata ang nakaparada.
Patuloy siyang naglakad papalapit. Ngunit habang lumalapit siya ay mas nagiging mabigat ang hakbang niya. Hindi niya agad inisip na mali ‘yon ngunit may kung anong kirot na hindi niya maipaliwanag. Ang mga pintuan at bintanang minsan lamang niyang nakita sa larawan ngayon ay naroon na.
Ngunit sa likod nito ay may aninong gumagalaw na hindi niya kilala. At habang papalapit pa siya, mas lumulutang ang pakiramdan na hindi iyon ang klase ng pag-uwi na matagal niyang inaasam-asam. Pagdating niya sa mismong harapan ng pinto, hindi niya alam kung bakit hindi niya kayang kumakatok. Pero nagbukas na agad ang pinto bago pa man siya tuluyang makakatok.
Mula sa loob ay lumabas ang isang lalaking hindi niya kilala. Matangkad ito, malapad ang balikat at ang postura nito ay parang matagal ng bahagi ng bahay. Sumunod dito ay tatlong batang lalaki na nasa lima hanggang 10 ang edad. Sa unang tingin pa lamang ay alam niyang wala ni isa sa kanila ang may koneksyon sa buhay na iniwan niya bago siya umalis.
Itinaas niya ang paningin at doon sumilip si Elena mula sa likod ng lalaki. Hindi na niya kilala ang mukha nito. Hindi dahil nagbago ang itsura kundi nagbago na ang paraan ng paglingon nito sa kanya. At nang magtama ang kanilang mga mata, alam niyang may matagal ng nangyayaring hindi maganda. Hindi lang ito nabibigyang pansin dahil sa sobrang layo nila sa isa’t isa.
Sa mga sandaling iyon, walang salita ang lumabas sa bibig ni Marlon. Hindi niya alam kung paano sisimulan ang pag-unawa sa nakikita. At hindi niya alam kung paano tatanggapin na sa lahat ng taong maaari niyang makita sa pintuan ay ang mga taong bagong kinakasama ng kanyang asawa. Narinig niya ang kaluskos ng mga kapitbahay na dahan-dahang lumalapit.
Hindi sila maingay habang nakikiusyoso. Ngunit sa mga mata nila ay naroon ang awa na hindi na kailangan pang ipaliwanag. Parang mas alam pa nila ang kwento kaysa sa kanya. Habang nakatayo siya sa pintuan, naramdaman niyang unti-unting lumalamig ang hangin sa paligid. Wala siyang naririnig kundi ang mahihinang yapak ng mga batang tumatakbo sa loob ng bahay.
Ang bawat yabag nila ay parang pako na dahan-dahang tumutusok sa kaloob-looban niya. Hindi niya kilala ang mga batang iyon ngunit malinaw sa kanya na mas kilala nila ang bahay kaysa sa sariling anak na ngayon ay hindi man lang nagpapakita. Sa mga sandaling yon, hindi na niya kinailangang magtanong kung ano ang nangyayari.
Hindi niya kinailangang marinig ang paliwanag mula kay Elena o sa lalaking nasa harap niya. Ang hindi niya makita ay mas nagsasabi ng katotohanan kaysa sa anumang salita. Naramdaman niya ang pagkabigla ng hawakan ng isang matandang kapitbahay ang braso niya. Hindi ito nagpakilala, hindi rin nagtanong at hindi rin ito nagsalita.
Ngunit ang paghawak nito ay parang paalala na hindi niya dapat pasukin ang bahay ng hindi handa ang puso niya. Sa ekspresyon ng mukha ng matanda, sa paraan ng pagyuko nito, alam niyang masakit pa kaysa sa nakikita niya ang katotohanang hindi pa niya naririnig. Tumalikod ang tingin niya sa loob ng bahay at napatingin siya sa lupa sa paanan niya.
Doon niya naramdaman ang bigat na parang hinila ang dibdib niya pababa. Sa loob kasi ng labing-apat na taon ng pagsasakripisyo ay ganito pa pala ang madadatnan niya. Hindi niya alam kung gaano siya katagal nakatayo sa labas ng bahay na yon. Ang alam niya ay unti-unting lumalabo ang paningin niya habang sinusubukang intindihin ang hindi maipaliwanag na sakit.
At sa gitna ng katahimikan na yon, hindi niya alam kung saan nanggaling ang lakas niya para umatras mula sa pintuan. Hindi rin niya alam kung paano siya naglakad palayo habang pinapanood siya ng mga kapitbahay. Ngunit alam niya na hindi niya kayang pumasok sa bahay na yon. Hindi dahil natatakot siya sa katotohanan kundi dahil ramdam niyang hindi iyon ang tahanang pinangarap niya noon.
Habang papalayo siya, ramdam niya ang bawat hakbang ay parang pagputol sa lubid na ilang taon niyang pinanghawakan. Hindi niya alam kung saan siya tutungo. Hindi niya alam kung ano ang susunod na mangyayari. Basta ang alam niya lang ay may isang bagay na kailangang hanapin. Yun ang anak niyang hindi man lang nakita nang siya ay dumating.
Pagkatapos ng araw na nakita ni Marlon ang lalaking nakatira sa bahay na kanyang pinagawa, parang nabura ang lakas ng katawan niya sa isang iglap. At kahit sanay siyang tumanggap ng mabibigat na trabaho, iba ang bigat na dumagan sa dibdib niya ngayon. Kaya tumuloy muna siya sa isang maliit na paupahan sa kabilang barangay.
Tahimik ang lugar, mura ang upa at sapat ito para makapag-isip siya pansamantala. Ngunit kahit anong tahimik ng kwarto, hindi tumitigil ang pag-ikot ng mga tanong sa isip niya. Lalo na ang pinakamabigat sa lahat. Nasaan ang anak niya? Sa mga sumunod na araw, naglakad siya papunta sa mga kapitbahay para magtanong.
Hindi madali ang pagtatanong dahil halata ang pag-iwas ng paligid. May mga kapitbahay na napatingin lang tapos umiwas. May mga nagkunwaring walang alam at may ilan na nag-aalangan magsalita dahil ayaw nilang madamay. Doon nagsimula ang desisyon niya na kailangan niyang gumawa ng aksyon. Naghanap siya ng abogado, isang taong kilala sa baryo na sanay sa mga ganitong kaso.
Hindi malaki ang pera niya pero kaya niyang maglaan para rito. Dahil para kay Marlon, iba ang bigat ng kasong ito. Hindi lang ito tungkol sa bahay. Ito ay tungkol sa paggalang sa ginawa niyang sakripisyo at sa karapatan niya bilang asawa’t ama. Dinala niya ang lahat ng resibo ng padalang pera, mga lumang larawan ng pagpapatayo ng bahay at mga pangalan ng taong nagtrabaho roon.
Nang umusad ang kaso, kalmadong nakaupo siya sa matigas na upuan hawak ang mga papeles. Marahang pinapakinggan ang bawat tanong sa kanya. Sa bawat pagdinig, unti-unti ring lumalabas ang mga kwento ng kapitbahay tungkol sa naging buhay ni Elena at ng lalaking kinakasama nito. At sa bawat detalye, mas sumasakit ang loob niya.
Ngunit kahit ganoon, pinipilit niyang intindihin na hindi na maibabalik ang mga taon na lumipas. Kailangan niya lang harapin ang sitwasyon sa mas mahinahong paraan para hindi na lumala ang lahat. Sa gitna ng pag-aayos ng kaso, mas lumabas ang tanong na hindi niya masagot. Bakit wala ang anak niya? Bakit tila walang gustong magsalita tungkol dito? At kahit ang asawang si Elena ay hindi rin alam kung saan ang anak nila dahil naglayas daw ito.
At doon naging mas mabigat ang sakit kay Marlon. Hindi lang pala siya nawala sa pamilya kundi pati ang anak niya ay naligaw ng landas sa hindi niya alam kung anong dahilan. Makalipas ang ilang buwan ng pagdinig, dumating ang araw na kailangan na niyang magdesisyon. Pwede niyang ituloy ang kaso at ipaglaban ang pangalan niya hanggang dulo.
Pwede niyang ipakita ang buong galit niya sa asawa at sa lalaking nakatira sa bahay niya. Pero sa harap niya ay may tatlong batang walang kamalay-malay sa nangyayari. Mga batang walang kasalanan pero sila ang unang tatamaan at maaapektuhan ng anumang mabigat na desisyon. Napagtanto niyang kung itutulak niya ng todo ang kaso, ang mga batang anak nila ang pinakaunang masasaktan.
Hindi niya kayang maging dahilan ng paghihirap ng mga batang iyon. Kaya doon niya napagdesisyonang bawiin ang kaso. Hindi dahil natakot siya. Hindi dahil pinili niya ang pagiging mahina. Kundi dahil may mga bagay na mas mahalaga pa kaysa sa paghihiganti. At sa pagkakataong iyon, ang mas mahalaga ay hindi ang bahay, hindi ang pagiging kasal nila, kundi ang pagiging tao sa harap ng inosenteng mga bata.
Nang ibaba niya ang kaso, may mga kapitbahay na nagulat, may mga nagtaas ng kilay at marami ang umiling sa ginawa niya. Pero hindi na mahalaga sa kanya ang sasabihin ng iba. Mas mahalaga na hindi siya nagdagdag ng bigat sa mga batang hindi naman dapat madamay sa pagkakamali ng kanilang mga magulang.
Pagkatapos mabawi ang kaso, hindi pa rin natapos ang proseso ng paghilom. Kailangan pa rin niyang ayusin ang lahat. Kailangan niyang hanapin ang anak at kailangan niyang maghanap ng direksyon para sa sarili niya. Nang gabing iyon, habang nakatingin lang siya sa kisame ng inuupahang kwarto, iniisip niya kung ano ang dapat unahin.
At sa huli, dumating siya sa pinakamahinahong desisyon. Ang ibenta na lang ang bahay. Masakit na ipagbili ang bahay na ginugulan niya ng pawis, dugo at buhay ng labing-apat na taon. Pero naisip niya na mas mabuting magsimula sa wala kaysa manatili sa lugar na puno ng sakit at kalungkutan.
Hindi niya kayang tirahan ang bahay na yon. Hindi rin niya kayang hayaan na maging sentro ng gulo ito. Kaya mas pinili niya ang ganitong desisyon. Nang lumabas ang pera mula sa bentahan, hindi niya ito ginastos ng basta-basta. Inilaan niya agad ang malaking bahagi para hanapin ang anak niya. Nagtanong siya sa DSWD, sa mga pulis at sa mga social worker.
Kasama ang mga opisyal. Dumaan sila sa mga listahan ng mga batang inilipat sa mga center. Maraming maling pangalan, maraming maling impormasyon, maraming ulat na hindi tumutugma. Ngunit hindi siya sumuko. Hanggang sa isang araw, nakatanggap siya ng tawag mula sa isang childcare institution na may batang tumutugma sa ilang impormasyong iniwan niya.
Hindi siya agad natuwa at hindi rin siya agad naniwala. Pero nang dalhin siya ng social worker sa center at ipakita ang batang nakaupo sa gilid ng mesa, parang huminto ang buong paligid niya. Payat na payat ang bata. May lungkot ang mga tingin nito. Pero sa likod ng lungkot na iyon ay naroon ang hugis ng mukha na kilalang-kilala niya.
Napaluhod ang tuhod niya sa sahig dahil sa labis na awa sa anak. Hindi na niya inalam kung paano ito napunta roon. At kung gaano kahirap ang pinagdaanan nito, ang mahalaga ay nahanap na niya ang anak at magsisimula uli sila. Hindi agad naging madali ang muling pagkikita nila. Maraming taon ang lumipas, maraming sugat ang naiwan.
Ang bata ay hindi agad sumama sa kanya ng may tiwala. Parang unti-unting pagpulot ng mga basag na salamin ang proseso. Pinayuhan siya ng mga social worker na maging mahinahon at dahan-dahan. At iyon ang sinunod niya. Nang maging maayos na ang papeles, nagpasya si Marlon na dalhin ang anak sa Tacloban, Samar.
Doon sila magsisimula ulit malayo sa gulo at tsismis ng dating komunidad. Nangupahan muna sila ng maliit na bahay habang pinapagawa niya pa ang saktong bahay para sa kanilang dalawa. Sa panibago nilang mundo, doon niya muling naramdaman ang halaga ng presensya. ‘Yung tipong hindi kayang tumbasan ng pera, padala o malalaking plano.
Hindi man niya nabawi ang labing-apat na taon na nawala sa kanya, nabawi naman niya ang pagkakataong maging ama ulit. At doon niya naramdaman ang pinakamalinaw na aral ng lahat ng pinagdaanan niya: na ang pagbangon ay hindi kailanman nakadepende sa laki ng nawala kundi sa tapang na magsimula uli at harapin ang bagong kabanata.
At dito na po natatapos ang ating kwento. Sana ay may natutunan po kayo. Maraming salamat po. God bless sa inyong lahat.