KINAIN KO ANG PECHAY NI ATE BERNA

Ako si Marco, 16 years old, Grade 10. Hindi ako magnanakaw, pero aminado akong may kasalanan ako. Lalo na noong araw na kinain ko ang pechay ni Berna.

Si Berna ang kapitbahay namin. Tahimik, masipag, at may maliit na gulayan sa likod ng bahay nila. Araw-araw, makikita mo siyang nagdidilig ng pechay, talong, at kamatis. Pero ang pinaka-pride niya talaga? Yung pechay niyang sobrang lulusog. Parang pang-commercial sa TV.

Isang hapon, inutusan ako ni Nanay bumili ng toyo sa tindahan. Pagdaan ko sa likod ng bahay ni Berna, naamoy ko ang lupa na bagong dilig. Tapos nakita ko na naman ang pechay niya, ang lalaki ng dahon, ang berde, parang sumisigaw ng, “Marco, kainin mo ‘ko!”
Sa totoo lang, tatlong araw na kaming puro tuyo sa bahay. Medyo sawa na ako. Kaya habang nakatayo ako roon, nag-iisip ako ng malalim na desisyon sa buhay. Parang may dalawang Marco sa utak ko.

“Masama ‘yan,” sabi ng konsensya ko
.
“Isang pitas lang naman,” sabi ng sikmura ko.

At syempre… mas malakas ang sikmura.
Dahan-dahan akong lumapit. Tumingin sa kaliwa. Tumingin sa kanan. Wala namang tao. Isang mabilis na pitas tapos dalawa, tapos tatlo. Aba, parang napasarap yata ako. Hindi ko namalayan, may hawak na akong kalahating supot! Biglang—

“MARCO!”

Parang may kulog na bumagsak sa tenga ko. Paglingon ko, nandoon si Berna, nakatayo sa may pinto nila, hawak ang tabo. Basang-basa pa ang tsinelas niya.

“Anong ginagawa mo sa pechay ko?” tanong niya, nakapamewang.
Sa sobrang kaba ko, kung anu-ano ang lumabas sa bibig ko.

“Ah… ate Berna… tinitingnan ko lang po kung… kung… handa na po silang… ah… anihin?”

“Talaga?” taas-kilay niya. “Bakit nasa supot mo na?”

Wala na akong maisagot. Parang gusto ko nang magtanim ng sarili kong hukay sa tabi ng pechay niya at doon na lang tumira.
Pero imbes na sigawan ako, bigla siyang natawa.

“Gutóm ka lang no?” sabi niya.

Tumango ako. Hindi na ako nagkunwari. “Opo.”
Tahimik siya saglit. Tapos sabi niya, “Kung nanghingi ka, bibigyan naman kita. Hindi mo kailangang magnakaw.”

Grabe. Parang mas masakit pa ‘yon kaysa sa sigaw. Hindi dahil napahiya ako, kundi dahil tama siya.
Inabot ko pabalik ang supot. “Pasensya na po, ate.”

Ngumiti siya ng konti. “Sige, kalahati na lang ibalik mo. Yung kalahati, sa’yo na. Pero next time, magsabi ka.”

Napanganga ako. “Talaga po?”

“Oo. Pero may kondisyon.”

Kinabahan na naman ako. “Ano po?”

“Diligan mo ang pechay ko tuwing Sabado.”
At doon nagsimula ang part-time job ko bilang unofficial assistant ni Berna.

Simula noon, tuwing Sabado, ako ang taga-dilig ng pechay. Natutunan ko kung paano alagaan ang lupa, kung gaano kahirap magpatubo ng gulay, at kung bakit mahalagang humingi kaysa basta kumuha.
Minsan nga, ako na ang nagbabantay sa gulayan niya. At pag may batang dumadaan na napapatitig sa pechay, sinasabi ko agad,
“Hoy, di mo matitikman ang pechay ni ate Berna!”
Ngayon, kapag may ulam kaming gulay sa bahay, proud akong sabihin, “Ako ang nagdilig niyan.”
Sa totoo lang, hindi lang pechay ang nakuha ko noong araw na ‘yon. Nakakuha rin ako ng leksyon.

Na ang gutom, pwedeng tiisin.
Pero ang hiya kapag nahuli ka? Hindi agad nawawala.
At higit sa lahat, mas masarap ang pechay kung kusang ibinibigay, hindi sa patagong pinitas