2 MONTHS PA LANG SI MAMA SA ABROAD, MAY INUUWI NG BABAE SI PAPA SA BAHAY……

Bata pa lang ako, parati ko nang naririnig na nagtatalo sina mama at papa. May bisyo kasi si papa, lasinggero at sugarol. Madalas umuuwing lasing, tapos wala pang pera pagdating. Namamasada si papa noon, pero walang direksyon ang mga ginagawa niya. Patawarin ako ng Diyos, pero wala siyang kwentang ama.

Halos araw-araw silang nag-aaway noon, pero kahit ganun, mahal parin ni mama si papa kaya nabuo yung kapatid kong babae. Pero dumating din sa punto na halos wala na kaming makain, kaya nagdesisyon si mama na mangibang bansa. Ilang taon ding nagtiis si mama sa asawa niya, high school ako noong umalis siya at grade 3 naman yung kapatid ko.

Kinagabihan nung pag-alis ni mama, nalasing si papa. Sabi niya, kaya raw siya umiinom dahil iniwan na raw siya ni mama. Pinagpalit daw siya sa arabo. Hindi lang niya maamin sa sarili niya na kaya umalis si mama ay dahil wala kaming magandang kinabukasan sa kanya.

Noong kami na lang tatlo sa bahay, madalas inuumaga ng uwi si papa. Hindi na kami nagtataka, sanay na kami. Sa awa ng Diyos, hindi naman niya kami sinasaktan. Nakakainis lang dahil tuwing lasing siya, kung ano-ano ang mga sinasabi, parang sirang plaka, paulit-ulit.

Unang buwan ni mama sa abroad, nagpadala kaagad siya ng pera sa amin, pambili ng bigas at kailangan namin sa school. Nalaman ni papa na nagpadala na si mama dahil sa kapitbahay namin na kasabayan kong kumuha ng pera. Kaya tinanong niya ako kung magkano ang pinadala. Sabi ko kunti lang po. Sabi naman niya, “hindi ako naniniwala, malaki ang sahod n’ya doon.”

Binigyan ko lang siya ng 1K. Nagalit si papa, muntik na akong sampalin. Gusto niyang kunin sa akin yung pera pero hindi talaga ako pumayag. Kaya ang ginawa niya, sinipa niya yung mga upuan at hinagis yung mga gamit sa bahay. Takot na takot kami noon ng kapatid ko. Hanggang sa minsanan na lang umuuwi si papa. Hindi rin namin siya hinanap, unti-unti na kaming nawawalan ng paki sa kanya.

Malayo yung mga tita ko kay wala kaming mapuntahan. Ayaw ko ding magsumbong sa kanila, baka pilitin nila akong magsabi kay mama. Ayokong ma-stress si mama doon. Mabuti na lang at wala pang smart phone noon, kaya hindi basta-basta nakakarating kay mama ang mga balita. ‘Pag tumatawag siya, hinahanap niya si papa, sinasabi ko lang na namamasada kahit ang tototo, hindi namin alam kung nasaan.

Isang araw nagulat na lang kami, pag-uwi namin galing school, may tsinelas ng babae sa labas ng bahay namin. Tapos narinig namin na may nagkikilitian sa kwarto. Dun na talaga ako nagwala nung lumabas yung babae. Sinabun#tan ko yung babae, pero sin@mp4l naman ako ni papa. Galit na galit ako kay papa nun, sobra. Nagpapakahirap si mama sa malayo pero yun ang igaganti niya? Tanggap ko pa na lasinggero at sugarol siya eh. Pero ang mambabae? Hindi ko matanggap.

Binantaan ko si papa na kapag hindi siya tumigil, isusumbong ko na talaga siya kay mama. Sabi niya, wala raw siyang pakialam.

Tumira na talaga sa bahay namin yung kabit niya, at wala kaming nagawa ng kapatid ko. Kada katapusan ng buwan, tinatanong n’ya ako kung nagpadala na ba raw si mama. Ang kapal ng mukha diba? Kaya para tumigil siya, sinabi ko “Hindi na tumatawag si mama at hindi na rin naghuhulog ng pera mula nung nalaman niyang may babae ka.” Pinapalabas ko na lang na sinusuportahan kami ng tita namin para sa pagkain, para hindi na siya mag-iisip.

Ang hindi alam ni papa, tuwing nagpapadala si mama, bumibili ako ng materyales paunti-unti para sa bahay na pinaplano ko. Hindi din alam ni mama yung gagawin ko. Gustong-gusto ko nang umalis sa bahay na yun. At para hindi halata, pina-assume ko sa kapitbahay namin na siyang pinagkakatiwalaan ko.

Hindi pa ganun ka-mahal ang mga bilihin noon, kaya madali kong nabuo yung mga materyales. Doon kami nagpatayo sa kabilang barangay, nandun kasi yung lupa na share ni mama. Simple at hindi ganun kalaking bahay, pero masasabi kong bahay iyon ni mama. Sobrang saya ko noong natapos yun. Sa wakas nagbunga din yung paghihirap ni mama sa ibang bansa.

After 3 years, umuwi na si mama. Sinundo namin siya sa airport. Gulat na gulat siya nang dalhin namin siya sa bago niyang bahay. Napaluha siya sa tuwa nang sabihin naming, “Welcome home, mama!” Hindi siya makapaniwala na nagawa ko yun, sobrang proud siya sa’kin. At doon ko na sinabi sa kanya yung tungkol kay papa. Pero laking gulat ko nang hindi siya nagulat. Sabi niya, “Anak, hindi pa ako nag-abroad, alam ko na na niloloko ako ng papa n’yo. Sorry kung nilihim ko sa inyo, ayoko lang maranasan n’yo ang magkaroon ng broken family.”

Ayun, pareho pala naming pinoprotektahan ang damdamin ng isa’t-isa. Mag-ina nga talaga kami. At naiintindihan ko si mama.

Hanggang ngayon hindi na nagpakita sa amin si papa, hindi na din kami pumupunta sa dati naming tinitirhan. Pero ang sabi ng iba, sumama daw sa kabit niya. Ngayon matanda na si mama, at inaalagaan na lang namin siya.

Kung meron man akong natutunan sa buhay, yun ay ang pagiging madiskarte sa kahit na anong sitwasyon